Umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasan ang diskriminasyon sa mga pasyente na nagpositibo sa COVID-19 at medical workers.
Sa virtual presser, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nakalulungkot marinig ang mga kwento ng mga pasyenteng apektado ng virus at health workers na nakakaranas ng diskriminasyon.
Ayon kay Vergeire, huwag mamahiya ng kapwa na tinamaan ng COVID-19.
Paliwanag nito, ang diskriminasyon laban sa mga pasyente ay maaaring maging dahilan para itago ng ilan kung positibo sa sakit.
Kapag nangyari ito, sinabi ni Vergeire na makokompromiso rin ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno para masugpo ang COVID-19 sa bansa.
Samantala, kasabay ng pagpasok ng Semana Santa, nagpayo ang DOH sa mga pamilya na sundin pa rin ang physical distancing sa pamamagitan ng pakikinig ng misa at church services online.