Ipatutupad ang lockdown sa probinsya ng Rizal simula sa Lunes, April 6.
Sa inilabas na executive order no. 14 ni acting Rizal Governor Reynaldo San Juan Jr., epektibo ang lockdown simula 8:00 ng umaga.
Layon ng hakbang na maiwasan ang pagpasok sa lalawigan ng mga posibleng carrier ng COVID-19.
Sa ilalim ng lockdown, hindi na pwedeng pumasok sa Rizal ang mga hindi residente ng lalawigan maliban sa inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) tulad ng public at private health workers, emergency frontliners, government workers, diplomats, media personnel, religious ministers at mga empleyado na bahagi ng skeletal workforce ng mga negosyo na sakop ng basic services at commodities tulad ng BPO at hotel industry.
Samantala, maaari pa rin namang pumasok ang mga trak at sasakyan na may dalang suplay ng pagkain sa designated food lanes.
Magkakaroon din ng express lane para sa mga nangangailangan ng atensyong medikal at mga donasyon safrontliners at mga ospital.
Mananatili namang suspendido ang transportasyon kung kaya’t hinikayat ang mga local government unit sa Rizal na magtalaga ng mga sasakyan para sa frontliners.
Patuloy pa rin naman ang pagbibigay ng tulong ng LGU sa kani-kanilang nasasakupan.