Singer na si Pink, gumaling na mula sa COVID-19
Inanunsiyo ng American singer at songwriter na si Pink na nagnegatibo na siya sa Coronavirus Disease o COVID-19.
Sa Twitter at Instagram, sinabi ni Pink na noong nakaraang dalawang linggo, nakaramdam siya at ang tatlong taong gulang na anak na si Jameson ng sintomas ng COVID-19 at lumabas na positibo siya sa sakit.
Sumunod aniya ang kanilang pamilya sa utos ng kanilang doktor at makaraan ang ilang araw, muli silang sinuri at lumabas na negatibo na sila sa COVID-19.
“It is an absolute travesty and failure of our government to not make testing more widely accessible. This illness is serious and real. People need to know that the illness affects the young and old, healthy and unhealthy, rich and poor, and we must make testing free and more widely accessible to protect our children, our families, our friends and our communities,” ayon pa kay Pink.
Kasunod nito, inihayag ni Pink ang kaniyang pagdo-donate bilang suporta sa healthcare professionals na patuloy na lumalaban sa COVID-19.
$500,000 ang nai-donate ng singer sa Temple University Hospital Emergency Fund sa Philadelphia kung saan 18 taong nagtrabaho ang kaniyang ina na si Judy Moore sa Cardiomyopathy and Heart Transplant Center.
Maliban dito, karagdagan pang $500,000 ang nai-donate ni Pink sa City of Los Angeles Mayor’s Emergency COVID-19 Crisis Fund.
Nagparating ng pasasalamant ang singer sa lahat ng healthcare professionals at iba pa sa buong mundo na tulung-tulong sa pagprotekta ng bawat isa laban sa nakakahawang sakit.
“THANK YOU to all of our healthcare professionals and everyone in the world who are working so hard to protect our loved ones. You are our heroes!,” dagdag pa ni Pink.
Muli namang nagpaalala ang singer sa lahat na manatili sa bahay para hindi maapektuhan ng virus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.