Justice Jardeleza: Comelec kapos sa pag-alam sa tunay na estado ng pagiging natural-born ni Poe

By Den Macaranas February 09, 2016 - 04:43 PM

supreme-court
Inquirer file photo

Sa kanyang interpellation, sinabi ni Supreme Court Associate Justice Francis Jardeleza na posibleng nagkulang ang Commission on Elections sa kanilang pag-alam ng katotohanan hingil sa citizenship ng “foundling” na si Sen. Grace Poe.

Sa pagpapatuloy ng oral argument sa Mataas na Hukuman kaugnay sa disqualification case ni Poe, sinabi ni Comelec Commissioner Arthur Lim na dumaan sa pag-aaral ng Comelec en banc ang lahat ng mga ebidensiyang ibinigay ng kampo ng mambabatas para patunayan ang kanyang citizenship.

Sa kanyang interpellation, binanggit naman ni Jardeleza na mahalagang tingnan din ang physical features ni Poe tulad ng kanyang height na 5’2’’, kulay ng kutis pati na ang kulay ng mga mata.

Posible ayon kay Jardeleza na ang nasabing mga physical features ni Poe ay pwedeng magbigay ng clue tungkol sa kanyang tunay na pagkatao kung siya ba ay isang Filipino o hindi.

Ipinaliwanag naman ni Lim na siyang isa sa mga kumakatawan sa Comelec sa oral argument na hindi sila nakumbinsi ng mga isinumiteng katibayan ng kampo ni Poe na sana’y magpapatibay sa kanyang patunay na isa siyang natural-born citizen.

Sinabi pa ni Lim na wala sa kanila ang tinatawag na burden of proof o paghahanap ng mga tunay na magulang ni Poe dahil ito ay dapat ginawa ng mga private petitioners sa reklamo.

Idinagdag din ni Lim na ibinase nila ang kanilang desisyon na hindi natural-born citizen si Poe base sa material misrepresentation na isinumite ng kampo ng mambabatas.

Nagkaroon umano ng pagkakamali at  pagkukulang ang kampo ni Poe kaya hindi sila kumbinsido sa mga ebidensiyang isinumite ng mambabatas.

Nanindigan naman si Jardeleza na ibinase lamang ng Comelec ang kanilang desisyon sa kaso ni Poe base sa nilalaman ng Saligang-Batas na nagbibigay ng definition ng salitang foundling.

TAGS: comelec, Oral Argument, poe, Supreme Court, comelec, Oral Argument, poe, Supreme Court

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.