Mga Manilenyo tatanggap na ng ayuda pinansiyal mula sa national government

Inaasahang makakatanggap na ng financial assistance mula sa national government ang mga Manilenyo sa mga darating na araw.

Ito ay matapos na mai-turn over na ng Department of Social Welfare and Development ng tseke na nagkakahalaga ng mahigit isang bilyong piso sa lokal na pamahalaan ng Maynila para sa social amelioration program.

Kasabay nito, umapila naman si DSWD NCR Director Vicente Tomas sa publiko na huwag lumabas ng bahay at hintayin nalang ang mga social worker mula sa kanilang lokal na pamahalaan na magtungo sa kanilang bahay para ihatid ang tulong pinansyal mula sa pamahalaan.

Paliwanag ni Tomas, kailangang sumunod sa itinatakdang pag-iingat hindi lang sa hanay ng publiko kundi maging mga social worker kasunod na rin ng banta ng covid 19.
Sa oras na matanggap na aniya ng lokal na pamahalaan ang tseke ay ang LGU na ang magdedesisyon kung kailan ipapamahagi ang tulong.

Tiniyak naman ni Tomas na lahat ay tatanggap ng financial assistance sa ilalim ng SAP.

Kung mayroon man aniyang wala sa listahan ng mga mabibigyan sa unang batch, ang LGU ang kukuha ng pangalan ng mga hindi pa nakakatanggap at saka naman ito isusumite sa kanila para maiproseso.

Una ng sinabi ni DSWD Sec. Rolando Bautista na kasama sa mga makakatanggap ng financial assistance na ito na nagkakahalaga ng 5 hanggang walong libong piso ay mga senior citizens, PWD, mga buntis, Solo parents, Overseas Filipinos in Distress, mga manggagawa sa informal sector, magsasaka, mangingisda, indigent, at iba pang nasa tinatawag na underprivileged sector.

Read more...