Dating MRT GM Vitangcol nagpapasaklolo sa Sandiganbayan kaugnay graft cases
Hiniling ni dating Metro Rail Transit (MRT 3) General Manager Al Vitangcol sa Sandiganbayan na ipa-subpoena ang lahat ng mga dokumento na may kaugnayan sa maintenance deal ng naturang rail system.
Kabilang sa mga dokumento na ipinalalabas ni Vitangcol ay ang sulat ni MRT Board Chairman Tomas de Leon Jr. kay dating Transportation Sec. Mar Roxas na may petsang July 25 2012.
Gusto rin ng dating opisyal na ipa-subpoena ang sulat ni De Leon kay DOTC Sec. Jun Abaya na may petsang July 3 2013 at ang sulat kay De Leon ng PH Trams at CB&T na silang dating maintenance provider ng MRT.
Sinabi ni Vitangcol na mahalaga ang nasabing mga liham sa kanyang kaso dahil dito makikita na wala silang itinatagong anomalya na nauna nang sinabi ng Ombudsman na nakapaloob sa nasabing multi-million dollar contract.
Ikinatwiran ni Vitangcol na kailangan niya ang tulong ng anti-graft court dahil hindi na niya mailalabas ang nasabing mga dokumento mula sa tanggapan na kanyang dating pinamumunuan.
Muling nilinaw ni Vitangcol na dumaan sa tamang proseso at walang katiwalian sa nasabing kontrata.
Hanggang sa ngayon ay hindi matanggap ng dating opisyal na siya lamang at ang mga opisyal ng PH Trams at CB&T ang kinasuhan ng graft sa Sandiganbayan samantalang inabswelto naman ang ilang mga dating opisyal ng MRT at DOTC kabilang na si Abaya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.