Nakasaad sa statement ni MP at Minister of Health Dr. Saffrullah M. Dipatuan, na ikinalulungkot niya ang pagkalat sa social media ng naturang advisory na isinasailalim pa lamang sa review at pina-finalize pa.
Gamit ang mobile scanner ay kumalat ang naturang advisory na aniya’y binabalangkas pa lamang ng kanilang Regional Epidemiological and Surveillance Unit (RESU).
Sabi ni Dr. Dipatuan, bagaman pirmado na ay isasailalim pa nila iyon sa deliberasyon kaya wala pang ” released” o “confidential” na nakatatak sa dokumento.
Paglilinaw din ng opisyal na hindi para sa publiko ang naturang dokumento dahil para lamang ito sa internal communication mula sa regional office patungo sa Integrated Provincial Health Offices at City Health Offices sa ilalim ng ARMM.
Layunin ng naturang advisory na maging gabay para sa tamang hakbang na susundan ng ministry na siya namang irerekomenda sa local government units (LGUs) sa loob ng Bangsamoro Region bilang bahagi ng Bangsamoro Inter-Agency Task Force on COVID-19.
Batay sa ipinalabas na data ng Department of Health (DOH), ang Lanao del Sur ay may anim nang positibong kaso ng COVID-19 at tatlo sa mga ito ay nasawi.
Dahil dito ay higit na kinakailangan na ang pinaigting na pagpapatupad na enhanced community quarantine ng LGUs sa Lanao del Sur at Marawi City.
Nilinaw naman ni Dipatuan na wala pang kaso ng local transmission sa mga nabanggit na lugar.
Iginiit din nito na ang klasipikasyon ng isang indibidwal bilang Patient Under Monitoring (PUM) at Patient Under Investigation (PUI) ay hindi lamang nakabase sa advisory kundi sa umiiral na protocols o mga panuntunan at algorithms may kaugnayan sa COVID-19 ng DOH.
Higit sa lahat ay humihingi si Dipatuan at ang kabuuan ng MOH ng dispensa sa naidulot na panic at pagkalito ng mamamayan ng Bangsamoro sa naturang insidente.
Makakaasa aniya ang lahat ng masinsinang imbestigasyon sa naturang usapin.