Barangay Chairman sa Maynila na namili ng mga ililista para mabigyan ng food packs pinagpapaliwanag

Pinagpapaliwanag ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang isang chairman ng barangay sa Tondo, Maynila matapos na piliin lamang nito ang binigyan ng relief/food packs sa kanyang nasasakupan.

Ito ay kasunod nang natanggap na reklamo ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD SMaRT) patungkol sa mga kuwestiyonableng pangalan/residente ng barangay na inihanda ni Barangay Chairman Reynaldo Angat na pinagbatayan sa pamamahagi n relief goods.

Inatasan ni Police Major Rosalino Ibay Jr., ang pinuno ng MPD SMaRT chief, si Angat na ipaliwanag kung bakit ang 29 na katao na naninirahan sa 1781 Almeda Street sa Tondo, Manila ikinunsiderang magkakahiwalay na pamilya.

Natuklasan ni Ibay na ang binigay na address ni Angat ay isang pribadong business establishment na pag-aari ng barangay chairman.

Pinagpapaliwanag din ni Ibay si Angat kung bakit pawang mga kamag-anak ni Angat ang nasabing listahan at mga trabahador sa nasabing business establishment.

Ayon kay Ibay, si Angat ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 11469 (Bayanihan to Heal as One Act), Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standard for Public Official and Employees), at Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Mahigpit ang utos ni Manila Mayor Isko Moreno kay Ibay na huwag hayaanno palusutin ang baluktot na gawain ni Angat dahil madaming magugutom.

Sa kasalukuyan naman, ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay nakapamahagi na ng 168,272 food boxes sa mga residente sa bilang tugon sa implementasyon ng enhanced community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic.

Target ni Manila Mayor Isko Moreno na makapamahagi ng 350,000 food boxes para sa 350,000 na pamilya o kabuuang isa punto walong milyong [1.8-M] Manilenyo.

Read more...