Yumaong si Rep. Roy Señeres, pwede pang palitan sa kamara kahit patapos na 16th Congress
Pwede pang mapalitan si Rep. Roy Señeres Sr. bilang kinatawan ng OFW Party list sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, kahit pa magtatapos na ang 16th Congress.
Ito ay kasunod ng pagpanaw ni Señeres kahapon dahil sa cardiac arrest, resulta ng sakit nitong diabetes.
Ayon kay House Majority Leader Neptali Gonzales II, walang problema kung magpasya ang OFW Party list na magpasok ng bagong kinatawan sa kamara.
Gayunman, sinabi ni Gonzales na kailangan pa ring aprubahan ito ng Commission on Elections o Comelec.
Dapat din aniyang magkaroon ng komunikasyon ang kamara mula sa Comelec kung sino ang makakapalit ng yumaong si Señeres.
Sinabi ni Gonzales na wala nang aabutang sesyon ang papalit kay Señeres sa pagbabalik ng kongreso sa Mayo, sa halip, magiging bahagi na lamang ng Board of Canvassers para sa canvassing ng mga boto para sa pangulo at ikalawang pangulo.
Isa si Señeres sa mga mambabatas na hayag ang pagpabor na mai-override ang veto ni Pangulong Aquino sa SSS pension hike bill.
Una nang sinabi ng nagsulong ng nasabing panukalang batas na si Rep. Neri Colmenares na sa pagbabalik ng sesyon ng kamara para umaktong National Board of Canvassers, pipilitin pa rin niyang isulong ang override sa veto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.