Hindi na itinago ni Senator Nancy Binay ang labis na pagkadismaya sa aniya ay makupad na pamamahagi ng food packs ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Sinabi nito na ang P46 milyong halaga ng food packs na naipamahagi ng DSWD ay hindi pa nakaabot sa tatlong milyong mahihirap na pamilyang Filipino.
Pansin nito, pangatlong linggo na ng enhanced community quarantine ngunit P46 milyon pa lang ang nailalabas ng DSWD kayat diin nito, dehado ang mga mahihirap na pamilya.
Puna pa nito ang tila paghihintay sa hiling ng mga lokal na pamahalaan ng relief packs bago sila mapapadalhan ng ayuda ng DSWD.
“Sobrang nakakalungkot ang nangyari sa mga nagsakripisyo at namatay para sa bayan. Sa isang banda, ang di katanggap-tanggap ay may mga pamilyang mamamatay sa gutom dahil sa kapabayaan. This is not the way to heal a nation,” diin ng senadora.
Dapat din aniya pag-aralan ng DSWD ang kanilang proseso dahil hindi pangkaraniwan ang krisis dulot ng COVID-19.