Dahil sa nararanasang krisis dulot ng COVID-19, nag-donate ng iba’t ibang medical equipment sa Southern Philippines Medical Center ang Bureau of Customs Davao.
Ayon kay BOC Davao District Collector, Atty. Erastus Sandino B. Austria ng Port of Davao Collection District XII, walong 40-foot container vans ng medical equipment ang ipinadala sa SPMC noong March 28, March 29 at March 30.
Naglalaman ito ng gurneys, wheelchairs, bed-side at operating tables, dialysis chairs, medical trolleys and crutches, pharmaceutical refrigerators at sterilizers.
Malaki ang pasasalamat ni SPMC Medical Chief Dr. Leopoldo J. Vega sa nasabing donasyon para sa frontline workers at mga pasyente.
Tinitiyak ni Austria na patuloy ang suporta ng ahensiya sa programa ng pamahalaan upang masugpo ang pagkalat ng Coronavirus at ayuda sa frontliners, health workers, volunteers at local government leaders.
Tuloy rin aniya ang operasyon ng Customs Davao kahit na skeletal forces lamang ang naka-duty, at makatitiyak ang publiko na mabilis na maipalalabas ang mga kinakailangang gamit lalo na ang Personal Protective Equipment (PPE), medical equipment at mga donasyon na darating sa Port of Davao.
Sa ngayon, sinabi ni Austria na wala nang natetenggang emergency shipments at mga relief goods sa pantalan.