Sen. Trillanes, nakabalik na ng bansa, agad magpipiyansa sa kasong libelo
Dumating na sa bansa ngayong umaga si Senator Antonio Trillanes IV galing Estados Unidos.
Lulan ng Philippine Airlines (PAL) Flight, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 si Trillanes alas 4:15 ng umaga.
Galing sa isang conference sa Los Angeles, California ang Senador.
Habang nasa ibang bansa, nagpalabas ng arrest warrant ang Makati Regional Trial Court Branch 142 laban kay Trillanes para sa kasong libelo na kinakaharap nito na isinampa ni dating Makati City Mayor Junjun Binay.
Dahil dito, sa halip na ang pangangampanya ang atupagin sa pagbabalik sa bansa, uunahin muna ni Trillanes na asikasuhin ang kaniyang kaso.
Mamaya, sa pagbubukas ng korte ay agad maglalagak si Trillanes ng piyansa para makaiwas sa pagkaka-aresto.
Ang nasabing kaso ay nag-ugat matapos sabihin ni Trillanes na sinihulan ni Binay ng P50 million ang mga mahistrado ng Court of Appeals para paburan ang kaniyang temporary restraining order sa suspensyon na kinakaharap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.