Caritas Manila nakapamahagi na ng daan-daang milyong pisong ayuda sa mga apektado ng ECQ
Tinatayang 400-libong urban poor families ang natulungan na ng Caritas Manila na apektado ng lockdown dahil sa mapaminsalang coronavirus disease o COVID-19.
Umaabot na rin sa P400-M ang naipamahaging na gift certificates sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga negosyante sa Caritas Manila.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive secretary ng Caritas Manila, ang social arm ng Simbahang Katolika, ang mga gift certificate ay magagamit ng bawat pamilya para sa kanilang pangunahing pangangailangan lalo’t marami ang walang hanapbuhay dahil sa umiiral na ‘enhanced community quarantine’.
Unang nakalikom ng P1.5-bilyon ang top 20 business group sa Metro Manila na bahagi ng Philippine Disaster Resilience Foundation para magbahagi ng tulong sa urban poor community o ang Project Ugnayan.
Ibinigay ito sa Caritas Manila upang ipamahagi nang mas mabilis.
Ayon kay Fr. Pascual, kabilang sa mga benepisyaryo ang 10 diyosesis sa Metro Manila kabilang na ang Diyosesis ng Bulacan, Antipolo, Laguna at Imus.
Bilang pagtugon sa social distancing policy, pinapayuhan ang mga benepisyaryo na hintayin na lamang sa kanilang tahanan ang mga parish priest sa kanilang Parokya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.