Pamilya Señeres, pinag-iisipan na magtalaga ng ‘substitute candidate’ – COMELEC
Pinag-uusapan ng pamilya ni yumaong OFW Family Rep. Roy Señeres Sr. kung mayroon ba silang isa-substitute na kanidato sa ngalan niya.
Kinumpirma ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista na nakausap na niya ang kapatid ni Señeres tungkol sa mga plano ng kanilang pamilya kaugnay nito.
Paliwanag ni Bautista, sakaling mamatay ang isang kandidato, papayagan ng COMELEC ang substitution basta ang papalit sa kaniya ay mula sa parehong partido at may parehong apelyido ng pumanaw na kandidato.
Aniya pa, isang kawalan ng respeto sa alaala ng namatay kung mananatili ang kaniyang pangalan sa balota, pero kung may hahalili sa kaniya, naroon pa rin ang kaniyang pangalan sa balota pero iba ang tatakbo para sa kaniya.
Isa sa mga anak ni Señeres na si Roy Señeres Jr. ay ang third nominee ng party-list noong 2013 elections, ang nakikitang maaring humalili sa kaniyang ama.
Gayunman, sinabi ng kapatid ni Señeres na pinag-uusapan pa ito ng pamilya at inaasahang ngayong araw na nila mabubuo ang kanilang desisyon.
Ayon naman kay COMELEC Commissioner Christian Robert Lim, anuman ang mapagdesisyunan ng pamilya, dapat agad silang mag-hain ng manifestation ngayong umaga.
Pumanaw si Señeres dahil sa cardiac arrest tatlong araw matapos niyang umatras sa kaniyang kandidatura sa pamamagitan ng kaniyang mga kinatawan.
Hindi ito agad tinanggap ng COMELEC dahil kailangang personal siyang tumungo doon para ihain ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.