DOH nakidalamhati sa crew ng naaksidenteng eroplano ng Lionair sa NAIA
Nagpaabot na rin ng pakikidalamhati ang pamunuan ng Department of Health o DOH sa mga naulila at mga kaibigan ng walong nasawing pasahero at crew members ng naaksidenteng eroplano ng Lionair Inc. sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Linggo ng gabi.
Sa statement ng DOH, sinabi nito na matagal na naging katuwang ng kagawaran ang Lionair Inc. sa pagbibigay ng serbisyo sa mga residente ng Visayas at Mindanao.
Ayon sa DOH, naging instrumento ang Lionair sa paghahatid ng medical supplies sa mga ospital sa naturang mga rehiyon.
Sinabi pa ng DOH na sa katunayan, bago ang nangyaring aksidente, nakapaghatid pa ang piloto at crew members nito ng health commodities at mga supply sa Zamboanga, Mactan, Iloilo, at Butuan.
Kabilang sa mga nasawi sa naaksidenteng West Wind 24 aircraft ng Lionair ang anim na crew ng medical evacuation mission nito patungo sanang Haneda, Japan at ang mga pasahero nitong American national at Canadian.
Sinasabing ang Lionair Inc. din ang operator ng bumagsak na Beechcraft King Air sa Calamba City, Laguna noong September 2019, para sa isa ring medical evacuation flight kung saan paty ang lahat ng siyam na sakay nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.