Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, inaapura na ang processing sa mga dokumento ng tinatayang kalahating milyong trabahador na nakapagsumite ng requirement sa ahensiya.
Para aniya mapabilis, inatasan na ang lahat ng DOLE regional offices at mga pangunahing tagapagpatupad ng programa na huwag higpitan ang mga rekisito at maging flexible sa mga nakukuhang report ng mga kumpanya para sa pagpapalabas ng financial assistance.
Ang DOLE ang nangangasiwa sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) at Tulong Panghanapbuhay sa Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD)- Barangay Ko, Bahay Ko (#BKBK) upang ayudahan ang mga manggagawa mula sa formal and informal sector sa panahon ng national health emergency.
Kailangan aniya na naipalabas na ng ahensiya ang nasabing financial assiatance at lahat ng nangangailangan ng tulong ay dapat bigyan kasabay ang paalala sa mga manggagawa na alagaan ang kanilang sarili upang hindi magkasakit.
Sa huling datos ng DOLE, Marso 27 ay may 9,028 establishments ang nagsumite ng report na kabuang 317,171 ang nawalan ng trabaho dahil sa pansamantalang pagsasara o ang iba ay nasa flexible work arrangements.
Sa inisyal na report, 117,890 na informal sector workers ang naapektuhan.
Nakapaglaan na ng inisyal na dalawang bilyong piso para sa programa at karagdagang limang bilyong piso para sa nalalabing emergency period.
Isa at kalahating bilyong piso naman ang inilaan bilang cash assistance package sa mga apektadong overseas Filipino workers na umaabot sa 70,000.