Bilang ng nasawi sa lindol sa Taiwan, 38 na

By Kathleen Betina Aenlle February 09, 2016 - 04:22 AM

 

Taiwan lindolHindi bababa sa 38 ang naitala nang patay dahil sa magnitude 6.4 na lindol sa Taiwan na ikinaguho ng matataas na gusali.

Isa na sa mga gusaling gumuho ay ang 17-palapag na Weiguan Jinlong apartment building kung saan natagpuan ang karamihan sa mga namatay.

Kabilang sa mga na-rescue ay isang 8-taong gulang na batang babae, at isang babaeng natagpuan sa ilalim ng bangkay ng kaniyang asawa na tila pinrotektahan siya sa mga nagbabagsakang bagay.

May isa ring lalaki pa ang naisalba, habang pumanaw naman ilang oras lang ang six-month old na baby girl na una nang na-rescue ng mga otoridad.

Bago mag-Lunes, mahigit 300 na ang mga taong na-rescue, ngunit mahigit 100 pa rin ang nananatiling nawawala at pinaghahanap pa rin ng mga rescuers.

Samantala, pinaiimbestigahan na ngayon ni Tainan City Mayor William Lai ang developer ng nasabing building para malaman kung mahina ang pundasyon at kung mali ang pagkakagawa sa gusali.

May mga survivors kasi umanong nagsabi na maraming paglabag sa mga pamantayan ng pagtatayo ng mataas na gusali ang gumawa nito.

Sakaling mapatunayang may pagkukulang ang nag-tayo ng gusaling ito, tutulungan pa ng pamahalaan ang mga residente na sampahan ng kaso ito at nang managot sa kanilang kapabayaan.

Si Lai na rin mismo ang nagsabi na dahil sa laki ng pinsalang idinulot ng lindol, posible pang humigit sa 100 ang bilang ng mga nasawi.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.