Rep. Eric Go-Yap tinanggap ang sorry ng RITM
Nagpasalamat si House Appropriations Committee chairman Eric Go Yap sa ginawang paglilinaw ng Research Institute of Tropical Medicine (RITM) sa resulta ng kanyang COVID-19 test.
Sa isang statement, sinabi ni Yap na mismong ang direktor ng RITM na si Dr. Celia Santos ang tumawag sa kanya at ipinaalam na negatibo totoong resulta ng kanyang test at kung ano ang nangyari.
Aminado si Yap na sa mga nakalipas na araw ay hindi naging madali ang lahat para sa kanya at sa mga taong nakapalibot sa kanya, pero sa kabila nito ay buong puso raw niyang tinatanggap ang paumanhin ng RITM.
Sabi ni Yap, “Naiintindihan ko, they are the busiest medical facility in the country right now. Its not an excuse pero normal na nagkakaroon ng pagkakamali sa dami at sa pressure na tinatanggap ng RITM ngayon.”
Gayunman, bagaman masaya siya sa naging resulta ng COVID-19 test na isinagawa sa kanya, iginiit ni Yap na hindi ito panahon para magdiwang lalo pa at ilang milyong Pilipino ang apektado pa rin ng krisis dulot ng sakit na ito.
“This is just a clerical error and should not be taken against RITM, hindi sila nagkamali ng pag-process ng samples ko, hindi sila nagkamali sa basa ng results ko,” dagdag ni Yap.
Kasabay nito ay hinimok ng kongresista ang publiko na sumunod sa safety protocols na inilatag ng pamahalaan, lalo na ang pananatili sa loob ng bahay sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ngayong gabi inanunsyo ng RITM na nagkaroon ng “encoding error” sa COVID-19 test result ni Yap, na kagabi lamang natuklasan ng kanilang Molecular Biology Laboratory.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.