Patay na ang isa sa mga preso na kabilang sa binansagang “Bilibid 19.”
Kinumpirma ni Bureau of Corrections (Bucor) Director Rainier Cruz na si George Sy ay pumanaw nuong July 1, araw ng Miyerkules, dakong alas 9:00 ng gabi.
Si Sy ay isang Chinese National na nahatulan ng habang-buhay na pagkabilanggo dahil sa illegal drugs.
Ayon kay Cruz, nakipag-ugnayan na ang BuCor sa Chinese Embassy para maipaalam ang pagpanaw ng kanilang kababayan.
Sa pakikipag-ugnayan naman sa Department of Health (DOH) at sa Jose Reyes Memorial Medical Center, nabatid na si Sy ay pumanaw dahil sa sakit na colon cancer.
Nasa stage 4 na umano ang karamdaman ni Sy na kabilang sa labingsiyam na preso na inilipat sa NBI matapos makumpiskahan ng mga kontrabando sa Bilibid.
Noon pa umanong May 12, 2015 na-confine si Sy sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Si Sy ay kabilang sa mga high profile na preso sa New Bilibid Prisons (NBP) na nabansagang “Bilibid 19”. Ito ay matapos makitaan ang nasabing mga bilanggo ng mga mamahaling gamit, high-tech na gadgets at maraming pera sa kanilang mga selda sa bilibid.
Kasama si Sy sa mga nailipat pansamantala sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Disyembre matapos matuklasan ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima ang magarbong pamumuhay sa loob ng NBP./ Ricky Brozas