Ilang habal-habal patuloy sa pagbiyahe sa Maynila sa kabila ng ECQ
Sa kabila ng mahigpit na pagbababawal dahil sa idineklarang Enhanced Community Quarantine o ECQ, nakakabiyahe pa rin ang ilang mga habal-habal sa Maynila.
Tulad sa Baseco sa Port Area, sa kahabaan ng Taft Avenue, Sta. Cruz at Tondo.
Ayon kay Angelo Licup, isang habal-habal driver, bago umiral ang ECQ ay ibinibiyahe niya ang kanyang tricycle.
Subalit dahil bawal na ito sa Maynila, pansamantala niyang tinanggal ang sidecar ng tricycle upang makapaghabal-habal.
Paliwanag ni Licup, walang makain ang kanyang pamilya at wala na ring budget kaya kailangang kumayod.
Kada pasaherong naisasakay niya, nagbabayad ng P20 at may ilang nagbibigay ng tip kaya umaabot ng P25 hanggang P30.
Inamin naman ni Licup na nahuli na siya noon, pero nadadaan umano sa pakiusap kaya nakaka-biyahe pa rin siya hanggang sa kasalukuyan.
Ayon naman sa Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB, bawal ang habal-habal sa Maynila habang ipinatutupad ang ECQ.
Kahit ang mga tricycle, pedicab at public transportation ay bawal, maliban na lamang kung may emergency o ginagamit sa delivery ng mga essential tulad ng mga pagkain.
Sa ngayon, ang mga susuway na tricycle ay igagarahe muna sa compound ng Manila Zoo at sa Central Market.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.