Nagho-hoard at nag-over price sa mga alcohol, face mask at scanners, binalaan ng DOJ
Umapela at nanawagan si Justice Secretary Menardo Guevarra sa ilang mga tiwaling negosyante na huwag samantalhin ang kasalukuyang krisis o sitwasyon kaugnay sa COVID-19.
Ito ay makaraang magkakasunod o halos araw-araw ay may mga naaarestong online seller ng face mask, alcohol at thermal scanner ang National Bureau of Investigation (NBI).
Katunayan ay isang doktor ang naaresto, araw ng Miyerkules, ng NBI sa entrapment operation na nagbenta ng 160 piraso ng overpriced at donasyong thermal scanner sa halagang P1.2 milyon.
Noong isang linggo naman ay apat na katao ang inaresto din ng NBI dahil sa pagbebenta ng 60 piraso ng face mask sa halagang P300,000 at nasundan pa iyan ng iba’t ibang entrapment operation na nagresulta sa pagkaka-aresto ng mga tiwaling negosyante.
Babala ni Guevarra na sinumang mahuhuli ay sasampahan nila ng mga kasong paglabag sa Republic Act 7851 dahil sa profiteering, RA 10623 o Price Act of the Philippines at paglabag sa Consumer Act of the Philippines.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.