Pakikiramay, bumuhos sa pagpanaw ni Cong. Roy Señeres

Photo from Inquirer.net
Photo from Inquirer.net

Nagpa-abot ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilya ni OFW Family Club party-list Rep. Roy Señeres Sr., na nasawi sa cardiac arrest dahil sa kumplikasyon ng sakit nitong diabetes, Lunes ng umaga.

Sa pahayag, sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. si Señeres ay nakilala sa kaniyang mga naiambag sa labor sector matapos manilbihan bilang chairman ng National Labor Relations Commission (NLRC) mula 2000 hanggang 2005, gayundin sa pagiging ambassador ng Pilipinas sa Gitnang Silangan.

Si Señeres ay naitalaga din bilang labor attaché sa Washington, DC noong 1990, bago naitalaga bilang Philippine Ambassador to the United Arab Emirates noong 1994.

Samantala, nagdadalamhati rin ang buong Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagpanaw ni Señeres.

Ayon kay Caloocan City Rep. Edgar Erice, si Señeres ay isa aniyang mabuting kaibigan at parang kanyang ama.

Naalala pa ni Erice na isa sa kaniyang memories kay Señeres ay nang dinala siya ng dating ambassador sa Chinatown para kumonsulta sa isang Chinese fortune teller.

Sinabi ni Erice na noong mga nakalipas na buwan ay napansin na niyang mahina na si Señeres, pero pumapasok pa rin sa Kamara.

Pinuri naman nina Reps. Carlos Zarate, Neri Colmenares, Roman Romulo at Rodel Batocabe ang pagiging “passionate advocate” ni Señeres pagdating sa kapakanan at karapatan ng mga OFWs.

Ani Zarate, si Señeres ay aktibo sa committee at plenary deliberations kapag ukol sa OFWs ang isyu.

Kilala rin aniya si Señeres bilang isang pala-kaibigang “Cong. Amba Rose.”

Sa panig ni Colmenares, nakakagulat ang biglaang pagpanaw ni Señeres lalo’t hindi umano nakitaan ang kongresista ng matinding sakit.

Dagdag naman ni Romulo, si Señeres ay hindi malilimutan ng bansa dahil sa paninindigan nito para maprotektahan ang mga manggagawang Pinoy.

Sinabi naman ni Batocabe na nalulungkot ang buong party list coalition sa pagkasawi ni Señeres na kilala bilang kampeon ng mga OFW at lumalaban para sa interes ng mga ito.

Aniya, walang sinasanto si Amba Señeres sa loob at labas ng Kongreso, kaya malaking kawalan siya sa buong bansa.

Kaninang umaga, nasawi si Señeres, 68 years old at 1-term Congressman, dahil sa cardiac arrest.

Si Señeres, na matagal nang may diabetes, ay nag-withdraw ng kanyang Presidential bid para sa May elections noong nakalipas na linggo.

Samantala, sa senado, nagulat at nalungkot si Senator Chiz Escudero nang madinig ang balita.

Ayon kay Escudero malaking kawalan sa mga OFWs si Señeres dahil pangunahing ipinaglalaban ng konresista ang karapatan ng mga Pinoy sa ibayong dagat.

Read more...