Ito ay kasunod ng nangyaring insidente sa Lucena, Quezon, kung saan may isang kumpanya na idinahilan ang ECQ declaration para magpataw ng additional pilot health hazard fee na nagkakahalaga ng P60,000 kada trip.
Sa isang pahayag, sinabi ni PPA General Manager Jay Santiago na hindi pwedeng gawing dahilan ang ECQ upang magpataw ng karagdagang singil gaya ng hazard fee.
Naglabas na si Santiago ng Notice of Prohibition laban sa pagpapataw ng dagdag na port charges and fees.
Bukod dito, wala ring dapat na pagtaas sa singil sa cargo handling, pilotage, terminal at miscellaneous charges.
Inasatan na ni Santiago ang lahat ng port managers sa buong bansa na bantayan ang “charges and fees” na ipinapataw ng stakeholders sa mga pantalan, lalo na ang mga walang basbas ng pamunuan ng PPA.
Giit ni Santiago, dapat sundin ang patakaran ng pamahalaan na panatilihin sa kasalukuyang lebel ang presyo ng mga bilihin at mga bayarin habang nasa ECQ ang Luzon at nasa State of Calamity ang buong bansa dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.