Misquoted lang daw si Manila Rep. Amado Bagatsing kaugnay sa pagnanais umano nitong ipihit ang bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Luneta Park.
Sa harap ito ng kontrobersya sa konstruksyon ng Torre De Manila sa Taft Ave. Myanila na binansagang pambansang photo-bomber ng monumento ni Rizal.
Sa house-committee hearing noong Miyerkules inihayag ni Bagatsing ang kanyang “concern” kung bakit kailangang nakatalikod ang Rizal Monument gayong nakasaad aniya sa kasaysayan na hinarap nito ang mga nag-aakusa sa kanya.
Ipinaliwanag ni Bagatsing na nang tanungin niya ang kinatawan ng National Historical Commission (NHC) hindi daw siya mabigyan ng paliwanag sa nasabing punto.
“Hindi ko sinabi na iikot o pihitin yung bantayog ni Jose Rizal. Hindi ko alam kung saan nanggaling yun,” ayon kay Bagatsing.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Bagatsing na hindi niya sinabing dapat iikot ang bantayog ng pambansang bayani para iharap sa Lungsod ng Maynila at hindi na nito maging background ang Torre de Manila.
“Ang sinabi ko lang, panahon na rin habang binabalangkas natin yang (isyu) sa monumento ni Rizal na i-ayos ang kasaysayan. Dahil ako ay kinatawan ng distrito kung nasaan yang Rizal Park, pati yang Torre de Manila. Bakit nyo inilagay yung monumento ni Rizal na nakaharap sa Manila bay. Yung kalabaw daw nakaharap sa bayan at yung tamaraw… si Rizal nakaharap sa dagat.” dagdag pa ni Bagatsing.
Base aniya sa mga historian, nang barilin si Dr. Jose Rizal ay pumihit sya sapagkat hindi siya traydor. Hinarap niya ang kanyang bayan at hinarap niya ang mga accusers nya.
Sinabi ni Bagatsing sa pakikipag-usap niya sa isang eksperto tungkol kay Rizal, lumalabas na hanggang ngayon ay tinatrato pa rin natin at sumasang-ayon pa rin tayo sa mga Kastila dahil nakatalikod pa rin ito sa kanyang bayan.
Buong pagtutuwid din ng mambabatas na walang kinalaman ang kaniyang posisyon o paniniwala sa usapin ng Torre de Manila. / Jimmy Tamayo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.