BREAKING: House Appropriations Committee Chairman Eric Yap nagpositibo sa COVID-19
Inanunsyo ni House Appropriations Chairman at ACT-CIS Rep. Eric Go Yap na postibo siya sa COVID-19.
Sa Viber statement ni Yap, sinabi nito na nagpa-test siya noong March 15 at araw ng Miyerkules, March 25, matapos ang 10 araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa DOH at sinabing positibo siya sa COVID-19 test.
Sabi ni Yap “It is with a heavy heart that I share to all of you that I tested positive for Coronavirus.”
“Nagpa-test ako noong March 15 at ngayong araw, 10 days after, nakatanggap tayo ng tawag mula sa DOH upang iparating sa akin ang resulta,” dagdag pa nito.
Nagpa-test aniya siya dahil na-expose ito sa iba’t ibang tao na may exposure din sa ibang napabalitang nag-positive sa Coronavirus.
“Inis at galit ang naramdaman ko dahil alam ko sa sarili ko na maaaring nailagay ko sa alanganin ang buhay ng mga taong nakapaligid sa akin,” dagdag ni Yap.
Sinabi nito na bilang chairman ng House Committee on Appropriations ay nagsagawa siya ng hearing noong March 10 at matapos yun ay “business as usual” siya.
Marami pa aniya siyang tao na nakasalamuha kabilang ang ilang maaring positibo sa COVID-19.
Matapos aniya ang COVID-19 test niya ay nagtungo pa siya sa Malakanyang upang talakayin ang mga hakbang para labanan ang COVID-19.
Saad ni Yap, “After my testing, March 21, ipinatawag pa ako para sa isang pagpupulong sa Malacañang upang talakayin ang mga hakbang para sugpuin itong krisis na ito.”
Dumalo aniya siya sa pagpupulong sa Palasyo pero naging maingat siya dahil sa posibilidad na maging carrier ng virus.
“Bago tayo magpunta doon, nagtanong ako kung may resulta na ang aking test, pero wala pa daw. I attended the meeting and was careful the whole time knowing na I could potentially be a carrier of the virus,” dagdag ng mambabatas.
Noong Lunes, Marc h 23, dumalo pa si Yap sa special session ng Kamara kahit may kaunting ubo pero para sa kanya ay normal lamang niya iyo.
Humingi naman ito ng tawad at pang-unawa sa lahat ng mga taong kanyang nakasalamuha.
Sabi pa nito, “Humihingi ako ng patawad at pag-unawa mula sa mga taong nakasalamuha ko. I was paranoid dahil may kaunting ubo akong naramdaman but I felt it was normal for me. Mas nag-ingat tayo dahil wala pang resulta ang test ko.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.