NBI sa publiko: i-report ang mga pang-aabuso habang umiiral ang ECQ

Hinihimok ng National Bureau of Investigation o NBI ang publiko na i-report sa kanila ang anumang reklamo ng pang-aabuso sa kasagsagan ng umiiral ng Enhanced Community Quarantine sa Luzon.

Kabilang na rito ang overpricing at hoarding sa mga produktong malakas ang demand ngayong may banta ng coronavirus disease o COVID-19, tulad ng mga face mask, thermal scanners at alcohol.

Para sa mga sumbong at reklamo, maaaring makipag-ugnayan sa NBI sa mga numerong:

– 09664723056 (GLOBE)
– 09617349450 (SMART)
– 09751539146 (REGIONAL)
– 0285240237 (LANDLINE)

Ang mga irereport ay iimbestigahan ng NBI at kung mapatunayang totoo ang reklamo o sumbong, magsasagawa ang operasyon ang mga ahente at sasampahan ng mga kaso ang mga maaaresto.

Nitong mga nakalipas na araw, nagsagawa ng serye ng operasyon ang NBI sa lungsod ng Maynila laban sa mga indibidwal na nananamantala sa panahong may krisis sa bansa, dahil sa COVID-19.

Kahapon lamang, apat na tao ang arestado ng NBI-Special Action Unit makaraang mabistong nagbebenta ng overpriced thermal scanners na nasa limang libong piso ang presyo bawat unit.

Gayung ang bentahan ng kada thermal scanners ay dapat P800 hanggang P1,500 lamang.

Read more...