Ang naturang batas ay magbibigay ng special authority sa pangulo para malabanan ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa.
Sa ilalim ng batas ay makakatanggap ng mula P5000 hanggang P8000 ang bawat pamilya ng mga informal worker sa loob ng dalawang buwan.
Kabilang sa mabibigyan nito ang mga driver, vendor, magtataho, at iba pa na walang pinagkakakitaan sa ngayon habang umiiral ang enhanced community quarantine.
Sa ilalim ng nasabing batas, pinapayagan ang pangulo na gamitin ang kapangyarihan para makabuo ng mga hakbang at madeklara ng national policy upang malabanan ang sakit.
Binibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na pamahalaan ang operasyon ng anumang privately-owned hospitals, medical at health facilities kasama ang mga passenger vessels at iba pang establisyimento.
Ang mga establisyimento ay maaring ipagamit para pansamantalang matuluyan ng mga health worker at maaring gawing quarantine facilities.
Magkakaroon din ng kapangyarihan ang pangulo na pangasiwaan ang operasyon ng public transportation para matiyak na may masasakyan ang mga health, emergency, at frontline personnel.
Papayagan din din na magre-align ang pangulo ng budget mula sa hindi na nagastos na pondo noong 2019 at mula sa 2020 General Appropriations Act.
Nakasaad sa inaprubahang batas na ang mga public health workers na nahawa sa sakit ay makakatanggap ng P100,000 mula sa pamahalaan, habang ang lahat ng medical practitioners na binawian ng buhay dahil sa COVID-19 ay bibigyan naman ng tig-P1 million kada isa.
Gusto ring masiguro sa ilalim ng batas na sinusunod ng lahat ng mga Local Government Units ang ipinapatupad na regulasyon at polisiya ng National Government sa paglaban sa COVID-19.
Nakasaad din dito na maaring kuhanin ang serbisyo ng Philippine Red Cross bilang pangunahing humanitarian agency na makatutulong ng gobyerno sa pagbibigay ng ayuda sa publiko kung saan ang mga goods na ipamamahagi nito dahil sa paglaban sa COVID-19 ay papalitan ng pamahalaan.
Kukuha rin ang gobyerno ng temporary human resources for health partikular ang mga medical at allied medical staff upang maging karagdagang health workforce na maaring italaga sa mga itatayong temporary health facilities kung saan tatanggap ang mga ito ng karampatang suweldo, allowance at hazard pay mula sa pamahalaan.
Inaatasan din ang lahat ng mga bangko, financial instututions, lending companies gayundin ang Pag-Ibig Fund, Social Security System, at Government Service Insurance Social Security System maging ang mga nagpaparenta sa mga residential na magbigay ng 30-araw na grace period sa mga may pagkakautang kung ang due date ng mga ito ay papatak simula March 16, 2020 hanggang April 15, 2020 ng walang anumang interest, penalties, charges at iba pang bayarin.