Pamimigay ng Bayanihan Act subsidy pinamamadali ni Rep. Salceda
Hinikayat ni House Ways and Means committee chairman Joey Sarte Salceda ang liderato ng Kamara at ang Inter-Agency Task Force (IATF) na bilisan ang disbursement mechanism para sa pamamahagi ng emergency subsidies sa ilalim ng Bayanihan Act of 2020.
Ayon kay Salceda, urgent ang pangangailangang mabigyan ng ayuda ang naka-quarantine na mga pamilya kaya dapat itong gawin sa lalong madaling panahon.
Inilatag ng kongresista ang mga posibleng gawing daan sa pamimigay ng emergency assistance para matiyak na magiging pangkalahatan at makakarating sa nangangailangan.
Pinatitiyak nito na walang mapag-iiwanan gaya ng layon ng ipinasang bill ng Kongreso na “to heal as one.”
Kaya naman suhestyon ng kongresista sa IATF, ikonsidera ang iba’t ibang listahan para masakop ang buong target sectors at saka na lang mag-cross check.
Dapat rin aniyang buksan ito sa application kung saan kailangan lang patunayan ng benepisyaryo na apektado ito ng enhanced community quarantine at magugutom kapag walang ayuda.
Sabi pa ni Salceda, pwede nang magsimula sa Tax Reform Cash Transfer ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa COVID Adjustment Measures Program (CAMP) ng Department of Labor and Employment dahil bumubuo na ito sa 10 milyong households kaya idaragdag na lamang ang 8 milyong pang natitira para mabuo ang target ba 18 million beneficiary households para sa emergency subsidy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.