Arestado sa curfew sa Maynila, umabot sa higit 700
Mahigit sa 700 na ang bilang ng mga indibidwal na naaresto sa Lungsod ng Maynila dahil sa paglabag sa curfew sa kasagsagan ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Matatandaan na ginawang 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga ang curfew hours sa Maynila, dahil sa naturang quarantine sa Luzon kontra Coronabirus Disease o COVID-19.
Batay kay Police Brig. Gen. Rolly Miranda, ang hepe ng Manila Police District o MPD, mula March 17 hanggang March 24, 2020 ay aabot na sa 759 ang mga nahuli dahil sa pagsuway sa curfew.
Ayon naman kay Police Lt. Col. Carlo Manuel, tagapagsalita ng MPD, may ibang paglabag din na ginawa ang iba mga naaresto.
Halimbawa aniya, may nahuli dahil sa pag-iinuman sa kalye, mayroon ding na-apprehend dahil sa hindi pagsusuot ng pang-itaas na damit o half-naked, at ang iba ay mga tambay sa kalsada sa panahon ng curfew.
Nang matanong naman kung nakakulong ba ang lahat ng mga naaresto, ipinaliwanag ni Manuel na depende sa bigat ng paglabag.
Kung first offense, pagsasabihan muna ang nasita. Pero kung uulit, ikukulong na ang mga ito.
Dagdag ni Manuel, iniiwasan din ng MPD na mapuno ang mga kulungan ng mga nahuhuli dahil sa curfew, lalo’t may banta ng Covid-19.
Kaya naman, apela ni Manuel sa mga Manileño, tumalima sa curfew at iba pang city ordinances upang iwas-huli, iwas-kulong at iwas-COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.