Panukalang magbibigay ng special powers kay Pangulong Duterte aprubado na sa dalawang Kapulungan ng Kongreso
Inaasahang isumite ng Kongreso sa Malacañang ngayong araw ang panukalang batas na nagbibigay ng special powers kay Pangulong Rodrigo Duterte na tugunan ang covid-19 sa pamamagitan ng pagdedeklara ng State of National Emergency.
Aprubado na kasi sa Senado at Kamara ang panukalang magbibigay ng special powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para malabanan ang outbreak ng COVID-19.
Nakasaad sa panukala na sa ilalim ng Article VI, Section 23 (2) ng 1987 Constitution nasa kapangyarihan ng Kongreso na payagan ang pangulo na magpatupad ng mga hakbang upang masugpo na ang pagkalat ng COVID-19.
Binibigyan nito ang Pangulo ng mahigit 20 special powers.
Sa Senado, sa botong 12-0 naipasa ang Bayanihan to Heal as one Act o ang Senate Bill 1418 na nagsasailalim din sa bansa sa state of national emergency dahil sa COVID-19.
Nakasaad sa panukalang batas na dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay mayroon itong seryosong banta sa kalusugan, kaligtasan, seguridad at buhay ng mamamayan.
Inaatasan ang PhilHealth na sagutin ang lahat ng gastusing medikal ng mga public at private health workers na malalantad sa COVID-19 o anumang work-related injury o sakit na maari nilang makuha.
Sa inaprubahang panukala, pinapayagan ang pangulo na gamitin ang kapangyarihan para makabuo ng mga hakbang at madeklara ng national policy upang malabanan ang sakit.
May nakasaad din sa inaprubahang panukala na magbibigay ng emergency subsidy sa 18 milyong low-income households sa buong bansa na aabot sa P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan.
Binibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na pamahalaan ang operasyon ng anumang privately-owned hospitals, medical at health facilities kasama ang mga passenger vessels at iba pang establisyimento.
Ang mga establisyimento ay maaring ipagamit para pansamantalang matuluyan ng mga health worker at maaring gawing quarantine facilities.
Magkakaroon din ng kapangyarihan ang pangulo na pangasiwaan ang operasyon ng public transportation para matiyak na may masasakyan ang mga health, emergency, at frontline personnel.
284-9 naman ang naging boto sa Kamara.
Inadopt na lamang ng Kamara ang bersyon ng Senado para hindi na kailangan pa na magkaroon ng bicameral conference committee.
Alinsunod sa patakaran ng Kongreso, ang enrolled bill ang siyang ipi-print at ikokonsiderang tama at susunding bersyon ng Secretary of the Senate and the Secretary General ng House of Representatives.
Papayagan din din na magre-align ang pangulo ng budget mula sa hindi na nagastos na pondo noong 2019 at mula sa 2020 General Appropriations Act.
Nakasaad sa inaprubahang panukala na ang mga public health workers na nahawa sa sakit ay makakatanggap ng P100,000 mula sa pamahalaan, habang ang lahat ng medical practitioners na binawian ng buhay dahil sa COVID-19 ay bibigyan naman ng tig-P1 million kada isa.
Gusto ring masiguro sa ilalim ng panukala na sinusunod ng lahat ng mga Local Government Units ang ipinapatupad na regulasyon at polisiya ng National Government sa paglaban sa COVID-19.
Nakasaad din dito na maaring kuhanin ang serbisyo ng Philippine Red Cross bilang pangunahing humanitarian agency na makatutulong ng gobyerno sa pagbibigay ng ayuda sa publiko kung saan ang mga goods na ipamamahagi nito dahil sa paglaban sa COVID-19 ay papalitan ng pamahalaan.
Kukuha rin ang gobyerno ng temporary human resources for health partikular ang mga medical at allied medical staff upang maging karagdagang health workforce na maaring italaga sa mga itatayong temporary health facilities kung saan tatanggap ang mga ito ng karampatang suweldo, allowance at hazard pay mula sa pamahalaan.
Inaatasan ng panukala ang lahat ng mga bangko, financial instututions, lending companies gayundin ang Pag-Ibig Fund, Social Security System, at Government Service Insurance Social Security System maging ang mga nagpaparenta sa mga residential na magbigay ng 30-araw na grace period sa mga may pagkakautang kung ang due date ng mga ito ay papatak simula March 16, 2020 hanggang April 15, 2020 ng walang anumang interest, penalties, charges at iba pang bayarin.
Inaatasan naman ng panukala ang pangulo na magsumite ng report tuwing Lunes ng bawat linggo sa bubuuing Joint Congressional Oversight Committe para sa mga nagastos, augmented, reprogram, reallocated at ini-realign na pondo.
Ang Joint Congressional Oversight Committee ay bubuuin ng apat na kinatawan mula sa Kamara at Senado.
Tatagal lamang ang bisa ng panukala kapag naging ganap na batas sa loob ng tatlong buwan at maaring palawigin ng Kongreso o kaya naman ay bawiin sa pamamagitan ng concurrent resolution ng Senado at Kamara o sa pmamagitan ng presidential proclamation.
Dahil idineklarang urgent ng pangulo exempted ito sa 3-day separate reading rule para sa isang panukala bago maging batas itinatadhana ng Konstitusyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.