BREAKING: Panukalang pagbibigay ng emergency power kay Pangulong Duterte para labanan ang COVID-19, lusot na sa Kamara

By Erwin Aguilon March 24, 2020 - 12:01 AM

Photo grab from PCOO Facebook video

Aprubado na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala upang makapagdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng State of National Emergency dahil sa Coronavirus Disease o COVID-19.

Sa botong 284 na YES, 9 na NO at 0 ABSTAIN, pumasa ang House Bill 6616 o ang Bayanihan Act of 2020.

20 lamang na kongresista ang physically present sa plenaryo ng Kamara habang ang iba ay lumahok sa debate at botohan sa pamamagitan ng video conference, instant messaging at text message.

Nakasaad sa panukala na sa ilalim ng Article VI, Section 23 (2) ng 1987 Constitution, nasa kapangyarihan ng Kongreso na payagan ang pangulo na magpatupad ng mga hakbang upang masugpo na ang pagkalat ng COVID-19.

Papayagan din nito ang pangulo para sa interes ng publiko at kung kinakailangan na pangasiwaan ang operasyon ng kahit anong privately-owned hospital, medical and health facilities, hotel at iba pang kahalintulad na mga establisyemento gayundin ang mga pampasaherong barko upang magsilbing tahanan ng mga health worker, quarantine facility gayundin upang maging lokasyon ng medical relief at aid distribution.

Kasama rin sa panukala ang pagbibigay ng kapangyarihan sa pangulo na pangasiwaan ang operasyon ng public transportation upang magamit para sa health, emergency at pagsakyan ng mga frontline personnel.

Nakasaad dito na mananatili ang management at operation ng mga nabanggit na establisyemento sa mga may-ari nito na sila naman ang aasikaso sa accounting na isusumite sa pangulo parta sa karampatang bayad.

Papayagan nito ang pangulo na i-realign ang natitirang pondo sa 2019 budget gayundin ang paggamit sa pondo nasa ilalim ng 2020 General Appropriations Act.

Sabi ni House Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte na siyang tumayong sponsor ng panukala na sa P275 bilyong available na pondo para sa COVID-19 response, ang P200 bilyon ay gagamitin para sa emergency subsidy program habang ang natitirang P75 bilyon ay upang pondohan ang health at iba pang serbisyo.

Kapag naging batas, maari na ring makabili ang pamahalaan ng mga kinakailangang gamit para labanan ang COVID-19 tulad ng mga medical supplies and equipment at mga pagkain na ipamamahagi sa mga apektadong komunidad ng hindi na dumadaan sa procurement process.

Gusto ring masiguro sa ilalim ng panukala na sinusunod ng lahat ng mga local government unit (LGU) ang ipinapatupad na regulasyon at polisiya ng national government sa paglaban sa COVID-19.

Nakasaad din dito na maaring kuhanin ang serbisyo ng Philippine Red Cross (PRC) bilang pangunahing humanitarian agency na makatutulong ng gobyerno sa pagbibigay ng ayuda sa publiko kung saan ang goods na ipamamahagi nito dahil sa paglaban sa COVID-19 ay papalitan ng pamahalaan.

Kukuha rin ang gobyerno ng temporary human resources for health partikular ang mga medical at allied medical staff upang maging karagdagang health workforce na maaring italaga sa mga itatayong temporary health facilities kung saan tatanggap ang mga ito ng karampatang suweldo, allowance at hazard pay mula sa pamahalaan.

Inaatasan ng panukala ang lahat ng bangko, financial instututions, lending companies gayundin ang Pag-Ibig Fund, Social Security System, at Government Service Insurance Social Security System maging ang mga nagpaparenta sa mga residential na magbigay ng 30-araw na grace period sa mga may pagkakautang kung ang due date ng mga ito ay papatak simula March 16, 2020 hanggang April 15, 2020 ng walang anumang interest, penalties, charges at iba pang bayarin.

Inaatasan naman ng panukala ang pangulo na magsumite ng report tuwing Lunes ng bawat linggo sa bubuoing Joint Congressional Oversight Committe para sa mga nagastos, augmented, reprogram, reallocated at ini-realign na pondo.

Ang Joint Congressional Oversight Committee ay bubuoin ng apat na kinatawan mula sa Kamara at Senado.

Siniguro naman ni Villafuerte sa pagtatanong ni House Minority Leader Benny Abante na hindi malalabag ang Saligang Batas sa isinusulong nilang batas.

Tatagal lamang ang bisa ng panukala kapag naging ganap na batas sa loob ng tatlong buwan at maaring palawigin ng Kongreso o kaya naman ay bawiin sa pamamagitan ng concurrent resolution ng Senado at Kamara o sa pamamagitan ng presidential proclamation.

Dahil idineklarang urgent ng pangulo exempted ito sa 3-day separate reading rule para sa isang panukala bago maging batas itinatadhana ng Konstitusyon.

Araw ng Lunes, March 23, isinagawa ng 1st reading, 2nd reading kung saan nagkaroon ng Committee of the Whole hearing kung saan nagsalita si Executive Secretary Salvador Medialdea, debate sa plenaryo sa pamamagitan ng live interaction ng 20 kongresista sa plenaryo at iba pa sa pamamagitan ng video conference, amendments at 3rd and final reading.

Naipasa ng panukala bago 12:00 ng hatinggabi o halos 14 na oras na special session ng Kamara.

TAGS: Bayanihan Act of 2020, COVID-19, emergency power kay Pangulong Duterte, House Bill 6616, Bayanihan Act of 2020, COVID-19, emergency power kay Pangulong Duterte, House Bill 6616

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.