Mga donasyong gagamitin vs COVID-19, exempted mula sa FDA clearance – BOC
Nilinaw ng Bureau of Customs (BOC) na ang patakaran sa lahat ng inangkat na produkto ay nangangailangan ng permiso o marketing authorization mula sa Food and Drugs Administration o FDA gaya ng Certificate of Product Notification o Certificate of Product Registration, depende sa health risk ng mga produkto bago ipalabas ng Custom.
Ito ang paglilinaw ng BOC sa gitna na rin ng pagkakaroon ng COVID-19 outbreak sa bansa.
Nabatid na nakipag-ugnayan ang FDA sa BOC patungkol sa mga foreign donations gaya ng personal protective equipments o PPEs (kabilang ang face masks, N95 masks, shoe covers, gloves, head covers, at gowns) ay mapuwera na o exempted sa pagkuha ng FDA clearance.
Nais din ng FDA na ang mga kumpanya, maliban sa medical device establishments na gumagamit ng face masks sa trabaho at para lamang sa gamit ng kumpanya ay direkta nang makapag-import nang hindi na kailangang kumuha ng certification mula sa FDA.
Habang ang mga importer ng PPEs na gagamitin o ibebenta sa merkado ay i-exempt na rin sa CPN/CPR sa kondisyon na makapagpepresenta sila ng kopya ng License to Operate (LTO) at ng proof of application for product notification sa FDA.
Nilinaw naman ng FDA at BOC na prayoridad nila na mapabilis ang proseso sa pagpapalabas ng PPEs for donation and commercial purposes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.