Ayon kay DOLE-NCR regional Director Sarah Buena Mirasol, bagaman ang mga mabibiyayaan ng emergency employment program ay ang mga e-trike drivers sa Maynila, gagawin ang mga trabaho ng mga ito sa kani-kanilang mga barangay para mag-disinfect ng kanilang mga lugar.
Taliwas ito sa unang mga lumabas na balita na babayaran ng kagawaran ng ang 189 na mga e-trike drivers sa paghahatid ng mga frontline workers sa kanilang trabaho.
Paliwanag ng DOLE-NCR, ang emergency employment ay nasa ilalim ng Barangay Ko, Bahay Ko (BKBK) work scheme o Tulong Pangkabuhayan ng DOLE.
Layon ng naturang programa na matulungan ang mga informal sector workers na apektado ng enhanced community quarantine dahil sa banta ng COVID-19.
Tiniyak ng DOLE-NCR na nakahanda na ang pondo para sa naturang emergency employment program.