Publiko pinatutulungan sa media para mabawasan ang pagpa-panic kaugnay sa COVID-19
Hiniling nina House Majority Leader Martin Romualdez at Cavite Rep. Elpidio Barzaga sa media na tulungan ang publiko upang mabawasan ang pagpa-panic sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga positibong balita sa COVID-19.
Ayon sa mga ito, malaking tulong ang media para maipaabot ang mga positibong balita sa kabila ng kinakaharap na krisis upang mabigyang inspirasyon ang publiko na magkaisa at makipagtulungan sa pamahalaan para labanan ang coronavirus.
Mahalaga anila na matutukan din ang mga positive developments tulad ng paggaling ng maraming pasyente sa virus.
Ang patas na pagre-report ayon kay Romualdez tungkol sa magandang balita kahit pa patuloy na nakikipaglaban ngayon ang bansa sa COVID-19 ay makakapagbigay ng malaking pagbabago para sa kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa sakit.
Sinabi naman ni Barzaga na ang pagbibigay diin sa mga positibong pagbabago sa gitna ng problema sa COVID-19 ay magtataas sa pagasa ng publiko na matatapos din ang krisis.
Samantala, umapela naman si Romualdez na isantabi muna ang pulitika at magkaisa sa pagpapanatili ng kaligtasan ng bawat pamilya habang hinahanapan ng paraan na mapigilan na ang pagkalat ng virus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.