MECO, tiniyak na nasa ligtas na kalagayan ang mga Pilipino sa Taiwan

mecoTiniyak ng Manila Economic and Cultural Office o MECO na ligtas ang mga Pilipino sa Taiwan matapos ang pagtama ng mapinsalang 6.4 magnitude na lindol.

Ayon kay MECO chairman Amadeo Perez, siniguro nito na maibibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng mga pinoy na naninirahan o nagta-trabaho sa Taiwan.

Dalawa lamang aniya na Overseas Filipino Worker o OFW ang napaulat na nasugatan sa lindol na tumama sa Tainan City.

Pinayuhan naman ni Perez ang kamag-anak ng mga OFW sa Taiwan na huwag nang mag-alala dahil hindi naman lubhang naapektuhan ang mga ito.

Dagdag pa ni Perez, ang tirahan ng aabot sa 130,000 na Filipino expatriates sa Taiwan ay malayo sa Yongkang district sa Tainan kung saan ilang gusali ang gumuho dahil sa malakas na lindol.

Nakahanda ang MECO ani Perez na magbigay ng tulong sa mga pinoy na nais tapusin ang employment contracts at umuwi na sa Pilipinas.

 

Read more...