Ayon kay Garin, dahil limitado pa ang nalalaman sa ngayon ng mga eksperto patungkol sa COVID-19, mas mainam na magtakda ng isang ospital na ilalaan lamang sa mga nag-positibo sa naturang sakit upang sa gayon ay mapigilan ang pagkalat pa lalo ng virus.
Kung pagbabasehan aniya ang sitwasyon, marami nang mga ospital ang may hawak na COVID-19 cases kaya mas tumataas ang tsansa na mahawa ang ibang pasyente na may ibang sakit.
Pagkakataon din aniya ito upang magsama-sama ang mga health worker at eksperto pati na rin iyong mga nagkaroon ng training sa paghawak ng COVID-19 patients.
Ito rin aniya ang nakikita niyang dahilan kung bakit dumarami na rin ang bilang ng mga health worker na nagiging patient under investigation (PUI), na kalaunan kapag hindi mapigilan ay maaring magresulta sa pagkaparalisa nang operasyon.
Pagdating naman sa pondo, sinabi ni Garin na magiging mas masinop ang paggamit ng budget dahil kung mayroong dedicated hospital para sa COVID-19 patients ay doon na lamang ibubuhos ang pera na pambili pagbili ng mga testing kits, ventilator, gamot, personal protective equipement at iba pa.
Sa rekomendasyon ni Garin, maaring gawing COVID-19 hospital ang Lung Center of the Philippines, Philippine Blood Center o kahit ang Quezon Institute, katulad nang pag-convert sa Sanitarium Hospitals ng DOH bilang General Hospitals noong mga nakaraang taon.