Maynila nakapagtala na ng 9 na positibong kaso ng COVID-19
Umakyat na sa siyam ang naitalang kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa lungsod ng Maynila.
Ito ang kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno, kung saan Miyerkules, March 18 ay may nadagdag na apat na kaso mula sa unang limang naitala sa Maynila batay na rin sa ibinigay na update ng Department of Health (DOH) sa pamahalaang lungsod.
Kabilang aniya dito ang PH165 na isang 50 anyos na babae at PH165 na 53 anyos na lalaki, mag-asawa at kapwa taga Pandacan, Manila .
Kapwa ring dating Person Under Investigation o PUIs, na-admit sila sa Sta.Ana Hospital noong Marso 11 at ngayon ay at kapwa nakumpirmang positibo sa COVID-19.
Si PH178 naman ay isang 74 anyos na lalaki mula Quiapo na naadmit sa isang pribadong ospital noong Marso 9 at ngayon ay kunpirmadong positive sa COVID-19.
Habang si PH161 na 35 anyos na babae mula Tondo ay naconfine naman sa pribadong ospital at nakumpirma na ring positibo.
Sa ngayon ayon kay Domagoso mula sa kabuuang bilang , ang walo ay kasalukuyang binibigyan ng medikal atensyon sa pampubliko at pribadong ospital sa Maynila.
Samantala, umabot na rin sa 18 ang bilang ng Person Under Investigation o PUIs sa lungsod base sa official list ng DOH.
Ayon sa alkalde, mula sa 11 ay nakapagtala pa ng pitong panibagong PUIs sa lungsod.
Kabilang dito ang isang 20 anyos mula Sampaloc, Manila; 35 anyos na babae; 25 anyos na lalaki; 35 anyos na babae; at isang 58 anyos na pawang mga taga Tondo at walang mga travel history.
Isinailalim din sa PUIs ang 38 anyos na lalaki mula Sta.Cruz at 37 anyos mula naman sa Sampaloc na kapwa rin walang mga travel history.
Sinabi ng alkalde na dahil sa mabilis na pagtaas ng datos ng mga nagkakasakit at mga PUIs, muling nagpaalala ang alkalde sa mga residente sa Maynila namahigpit na ipinatutupad ang curfew dahil may ilan pa rin ang matitigas ang ulo na ayaw sumunod sa pinaiiral ng pamahalaan na enhance community quarantine.
Bunsod nito, ilang mga barangay naman ang napilitang maglockdown ng kanilang nasasakupan kabilang ang Barangay 48,49,50,51,52,52,54,55 sa Zone 4 Dagupan, Tondo.
Hindi na pinapayagang lumabas ng bahay ang mga residente gayundin hindi na pinapayagan ng barangay na makapasok ang mga taga labas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.