Sen. Binay nababagalan sa NFA sa pagbibigay ng libreng bigas
Labis na ikinadismaya ni Senator Nancy Binay ang makupad na pagkilos ng National Food Authority (NFA) para magbigay ng libreng bigas sa mga lubhang naapektuhan ng sitwasyon ngayon dulot ng COVID 19.
Nagpahiwatig pa si Binay na mistulang nagbabakasyon ang mga taga-NFA.
“Anong oras na? Dapat ipamigay na ng NFA ang mga bigas sa tao. Importanteng maitawid muna natin kahit 14 days lang ang mga pamilyang direktang naapektuhan ng lockdown. Hindi ito bakasyon–giyera ito,” diin ni Binay.
Banggit ng senadora, may sapat na bigas na nakaimbak sa mga bodega ng NFA at dapat ay kumikilos na ang ahensiya para matulungan ang mga nangangailangan.
Giit ni Binay hindi na kailangan pang magkagulo ang mga tao sa paghihintay ng tulong mula sa gobyerno.
Aniya ang NFA at ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno, tulad ng DSWD, Office of Civil Defense at LGUs, ay may memorandum of agreement para sa pagsusuplay ng bigas sa mga relief operations kapag may kalamidad at kakaibang sitwasyon sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.