SSS, GSIS at PAGIBIG hinimok na magbukas para magpautang sa mga miyembro ng walang interes
Hinimok ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at sa PAGIBIG na ihinto muna ang pagpapataw ng interes sa mga nais umutang ngayon sa gitna ng krisis sa Coronavirus Disease o COVID-19.
Bukod dito, hiniling ni Fortun sa SSS, GSIS at PAGIBIG na agad na magbukas at tumanggap na ng mga aplikasyon para sa calamity at salary loans bunsod na rin ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng “nationwide state of calamity”.
Inirekomenda ni Fortun na gawing ‘downloadable’ sa internet ang mga form para sa loans upang magawa ito ng mga empleyado kahit na sila ay ‘work from home’.
Maaari naman din aniyang i-waive ng mga government financial isntitutions ang requirements para hindi na mahirapan ang mga aplikante basta’t ang mga ito ay empleyado at mayroong SSS, GSIS at PAGIBIG number.
Aniya, sa ganitong mga pambihirang pagkakataon na nasa krisis ang bansa ay kinakailangan na matulungan ng gobyerno ang kanyang mamamayan.
Tiniyak naman ni Fortun na nakahanda ang Kongreso na agad aprubahan ang kanilang budget upang mapalitan ang nailabas na pondo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.