Sen. Lacson, Sen. Pangilinan suportado ang nationwide state of calamity
Makatuwiran dahil sa sitwasyon ngayon kayat dapat suportahan ng lahat.
Ito ang sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa pagsasailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ‘state of calamity’ sa buong bansa dahil sa banta ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon pa kay Lacson sa ginawa ng Malakanyang, magagamit ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang calamity fund sa paglaban sa nakakamatay na sakit, maging sa pagtulong sa mga apektado ng enhanced community quarantine.
Ngunit, sinabi ng senador na hindi niya maisip na baka may mga lokal na opisyal pa na magsamantala at pag-interesan ang pondo.
Suportado naman ito ni Sen. Francis Pangilinan at aniya, may P16 bilyong calamity fund ang gobyerno bukod pa sa maaring magamit na hiwalay na P13 bilyong contingency fund.
Nais lang ni Pangilinan na magamit ang pera sa pagsuporta sa frontline health workers, pagbili ng mga karagdagang medical equipment at pagtatalaga ng isolation facility para sa mga COVID-19 patient.
Tiyakin din aniya na naaayudahan ang mga lubhang apektado ng enhanced community quarantine lalo na sa usapin ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.