Suplay, presyo ng isda hindi apektado ng enhanced community quarantine – PFDA GM Pangapalan
Walang dapat ipagkabahala ang publiko sa supay ng isda sa Merkado sa Metro Manila at mga karatig lalawigan sa Luzon.
Iyan ang pagtitiyak ni Atty. Glen A. Pangapalan, General Manager ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Atty. Pangapalan, simula nang ianunsiyo ng Malakanyang ang Enhanced Community Quaratine sa buong Luzon ay agad silang naglatag ng panuntunan para hindi maantala ang pagbiyahe ng mga produktong isda palabas ng Navotas Fish Port.
“Hindi sila(biyahero) maaring pigilan dahil nag-isyu na rin ang DA ng conduct pass para sa may mga kargang isda at iba pang agricultural products,” pahayag ni Pangapalan.
Sa katunayan ay inanunsiyo aniya araw ng Martes, March 17, 2020 ni Agriculture Secretary William Dar na magkakaroon ng designated Food lane para sa mga bumibiyahe ng isda, gulay, prutas at Karne.
“Maglalagay din kami ng stickers sa mga delivery trucks para agad silang ma-recognize sa checkpoints,” saad pa ni Pangapalan.
“Bilang kami po ang nangangasiwa sa mga fish ports tuloy po ang operasyon natin sa harap ng banta ng COVID-19, kailangan lamang sumunod ang ating mga biyahero sa procedure na ating ipinatutupad sa gitna nitong enhanced community qurantine,” dagdag pa ng opisyal.
Aniya, “business as usual tayo subalit kami po ay mag-impose ng iskriktong safety measures- kung mai-screen man kayo, o sa mga bisita sa fish port ay wag po kayong magagalit, ipatutupad lang po natin ang kaayusan sa lahat.”
Samantala, tiniyak naman ng opisyal na walang hoarding ng isda o pagkaing dagat dahil sapat ang suplay ng mga ito.
Siniguro din nito na walang pagtaas sa presyo ng isda kasabay nang pakiusap sa mga wholesaler na panatilihin ang rasonableng presyuhan nito sa merkado.
May price list din aniya sila na nakapaskil sa Navotas Fish Port bilang gabay ng mga wholesaler.
Samantala, sa panig naman ng lokal na Pamahalaan ng Navotas City, Sinabi ni Mayor Tobby Tiangco na nag-usap na sila ni GM Pangapalan hinggil sa protocol na dapat ipatupad sa Navotas Fish Port.
Kasama aniya sa kinausap nila ay ang PFDA para masiguro na tuloy-tuloy ang operasyon nito at para hindi maapektuhan ang suplay ng isda sa buong Luzon.
“Dapat naka-white boots, white shirt at masks ang ating mga mangangalakal diyan sa Navotas Fish port, kailangan din siyempre suriin ang kanilang temperature.” Saad ni Mayor Tiangco.
Kahit po tayo ay naka-lockdown sa buong Luzon ay hindi po pupuwedeng hindi mag-operate ang fish port, alalahanin po natin na ang main source ng isda sa Luzon ay diyan nanggagaling sa Navotas Fish Port,“ dagdag pa ng Alkalde.
Nilinaw din ni Tiangco, na sa panahong ito ay mas higit na kailangan ang tuluy-tuloy na operasyon ng Navotas Fish Port para hindi maapektuhan ang presyuhan ng isda sa merkado.
Pagtitiyak din nito na may regular price monitoring silang ipinatutupad para hindi samantalahin ng mga negosyante ang kasalukuyang sitwasyon sa Metro Manila at buong Luzon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.