Umiiral ang Northeast monsoon o hanging Amihan sa Luzon, ayon sa PAGASA.
Sa weather forecast, sinabi ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio na nagdudulot ang Amihan ng malamig na panahon sa Luzon.
Partikular na nakakaapekto ang Amihan sa bahagi ng Northern at Central Luzon.
Samantala, tail-end of a cold front naman ang umiiral sa bahagi ng Bicol region.
Nagdadala aniya ito ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa Quezon, Bicol, Eastern Visayas at Caraga.
Ani Aurelio, asahang makakaranas ng maulap na papawirin na may mahihinang pag-ulan sa Cagayan at Aurora.
Samantala, sa nalalabing bahagi ng bansa kabilang ang Metro Manila, magiging maulap ang kalangitan at posibleng makaranas ng isolated light rains.
Dagdag pa nito, walang inaasahang mabubuo o papasok na anumang weather disturbance sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).