Epekto sa ekonomiya ng bansa, mas malaki kung hindi ipinatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon
Aminado si House Committee on Economic Affairs senior vice chairman Joey Salceda na malaki ang magiging epekto sa ekonomiya ng bansa ng enhanced community quarantine na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Luzon dahil sa bantang hatid ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Sa aid memoire na kanyang ipinadala sa liderato ng Kamara, mas malaki ang mawawala sa ekonomiya ng bansa kung hindi nagpatupad ng enhanced community quarantine sa Luzon.
Bukod aniya sa ekonomiya ay magkakaroon pa ng mass transmission ng virus.
Ayon kay Salceda, 2.95 percent ang mababawas sa gross domestic product (GDP) ng bansa kapag may lockdown pero aakyat naman ito ng hanggang humigit kumulang 4.13 percent sa oras na magkaroon ng mass transmission ng COVID-19.
Sa pagtaya ng mambabatas, kapag walang enhanced community quarantine, maaring umabot ng 50,476 ang mahahawa ng COVID-19 hanggang sa Mayo 5.
Pero kapag may lockdown, iginiit ni Salceda na maaring malimitahan lamang ito sa 23,973 cases.
Maliban dito, tinatayang aabot sa 1,565 na buhay ang maililigtas sa enhanced community quarantine.
Ang mortality rate aniya kapag walang lockdown ay 2,524 at 959 naman kapag hihigpitan ang galaw ng publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.