PNP handa na sa pagsisimula ng kampanya

By Den Macaranas February 06, 2016 - 04:47 PM

wilben-mayor
Inquirer file photo

Tiniyak ng Philippine National Police na handa na ang kanilang puwersa para sa pagsisimula ng panahon ng kampanya para sa mga kandidato sa national positions sa February 9.

Sinabi ni PNP spokesman CSupt. Wilben Mayor na sapat ang seguridad na kanilang inilatag para sa mga lugar kung saan sisimulan partikular na ng mga presidential at vice-presidential candidates ang kanilang pangangampanya.

Alas-otso ng umaga sa Martes, February 9 ay ilulunsad ni Vice-President Jejomar Binay at Sen. Gringo Honasan ang kanilang kampanya sa Welfareville Compound sa Mandaluyong City.

Alas-diyes naman ng umaga ang pinili ng tambalang Mar Roxas – Leni Robrero para sa kanilang campaign launching sa Capiz Gym sa Roxas City sa lalawigan ng Capiz.

Ang tambalang Grace Poe – Chiz Escudero ay maglulunsad ng kanilang kampanya alas-kwatro ng hapon sa Plaza Miranda sa Quiapo Maynila.

Alas-otso naman ng gabi sa Tondo ang napiling oras at lugar nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano sa paglulunsad ng kanilang kampanya para sa halalan.

Si Sen. Bongbong Marcos ay magsisimula ng kampanya sa kanilang balwarte sa Batac Ilocos Norte samantalang wala pang impormasyon na inilalabas kung makakasama niya sa araw na iyun si Sen. Mirriam Defensor-Santiago.

Ipinaliwanag ni Mayor na bukod sa security detail sa mga kandidato ay nagdagdag na rin ng pwersa ang PNP sa mga lugar na nauna nang inilagay sa listahan bilang “areas of immediate concern”.

TAGS: @016 Elections, Mayor, PNP, Political campaign, @016 Elections, Mayor, PNP, Political campaign

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.