Pangulong Duterte umapela ng ceasefire sa NPA sa gitna ng banta ng COVID-19
Humihirit si Pangulong Rodrigo Duterte sa New People’s Army (NPA) na magpatupad muna ng ceasefire o tigil putukan habang abala ang bansa sa paglaban sa COVID-19.
Sa public address ng Pangulo kagabi, umaapela ang punong ehekutibo sa rebeldeng grupo na huwag munang galawin ang mga sundalo at pulis habang may kinakaharap na krisis ang Pilipinas.
“Kayo bang mga NPA nagmamahal kayo sa gobyerno? ‘Pag hindi, tumulong kayo. Distancing at huwag na ninyo muna galawin ang mga sundalo. Ano muna tayo, ‘yung ceasefire lang. Ceasefire muna tayo. Ako na ang naghihingi, ceasefire,” pahayag ng pangulo.
Pangako ng pangulo, susuklian niya ang NPA kapag pinagbigyan ang kanyang apela.
“If you really want that we will be at all times on talking terms, in this time of crisis, kindly cooperate and help. Mas mabuti pa tumulong muna kayo. I will repay you with a good heart in the coming days,” pahayag pa ng pangulo.
March 16 nang ipatupad ni Pangulong Duterte ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sa ilalim ng enhanced community quarantine, bawal lumabas ng bahay maliban kung bibili ng pagkain at gamot suspendido ang transportasyon, regulated ang pagbili sa pagkain at health services, at mas malakas na presensya ng mga pulis at sundalo sa komunidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.