Zika virus pwede na ring mailipat sa pamamagitan ng halik

By Den Macaranas February 06, 2016 - 03:12 PM

Zika Virus1
cnn photo

Lumabas sa pinakabagong pag-aaral ng Fiocruz Institute sa Rio de Janeiro sa Brazil na pwedeng mailipat sa iba’t ibang mga tao ang Zika virus sa pamamagitan ng laway at ihi.

Ipinaliwanag ni Dr. Paulo Gadelha na nagtataglay ng Zika virus ang mga saliva at urine samples na nakuha nila sa mga pasyente.

Nangangahulugan ito na ang simpleng paghalik sa isang infected person ay pwedeng maglipat ng virus sa ibang tao.

Kaugnay nito, mahigpit na ring ipinagbabawal ngayon sa Brazil ang sharing ng pagkain pati na rin ng mga baso, kutsara at ilan pang kitchen utensils para maiwasan ang nasabing uri ng sakit.

Mula 2014 ay umabot na sa 1.5Million katao ang nahawaan ng Zika virus sa nasabing bansa maliban pa sa mga isinilang na bata na apektado ng microcephaly na umaabot naman sa 3,670.

Ang microcephaly ay isang uri ng kundisyon kung saan ay hindi nade-develop ng husto ang utak ng isang sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina at dahilan rin ng pagkakaroon ng maliit na bungo.

Nauna nang sinabi ng World Health Organization na nakukuha rin ang Zika sa pamamagitan ng pagkikipagtalik maliban pa sa kagat ng lamok at blood transfusions.

Samantala, iniulat naman ng Colombia na nakapagtala sila ng tatlong patay dahil sa Zika virus.

Sa ulat ng National Health Institute ng nasabing bansa, kanilang sinabi na ang mga pinakahuling namatay na mga biktima ay nagkaroon ng Gullain-Barre syndrome.

Bago namatay ang mga biktima ay dumanas sila ng kakaibang uri ng neurological disorder na nagpahina sa kanilang resistensya bago nauwi sa paralysis at multiple-organ failure.

Sinabi ni National Health Institute Director Martha Lucia na masyadong mabilis ang pag-akyat ng bilang ng mga tinatamaan ng Zika sa kanilang bansa.

Sa nakalipas na isang taon ay umakyat na sa 20,000 ang bilang ng mga infected patients at patuloy umano ang pagtaas ng nasabing bilang.

Bukod sa Brazil at Colombia, nakatutok rin ang WHO sa Honduras na may tatlong-libong kaso na ng Zika bukod pa sa mga biktimang galing sa El Salvador, Ecuador, Jamaica at Panama.

TAGS: Brazil, Colombia, WHO, zika virus, Brazil, Colombia, WHO, zika virus

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.