Duterte ukol sa enhanced community quarantine: “This is not martial law”
Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi katulad ng martial law ang ipinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Ipinatupad ito ng pangulo dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa.
Sa public address nito, sinabi ng pangulo na hindi dapat mangamba o matakot ang publiko sa pagdadagdag ng uniformed personnel kasunod ng Luzon-wide quarantine.
Ipinatutupad aniya ang martial law kapag mayroong rebelyon.
Giit ng pangulo, sa panahon ngayon, ang tunay na kalaban ng bansa ay ang nakakahawang sakit na COVID-19.
“Huwag kayong matakot. Walang magdi-display ng baril diyan except sa Armed Forces of the Philippines at pulis. Ang kalaban natin ‘pag martial law ay ‘yung mga taong sumasalakay at naghihimagsik. Sa panahon ngayon, ang kalaban natin ang sakit na COVID,” ayon sa pangulo.
Sinabi ni Pangulong Duterte na epektibo ang enhanced community quarantine sa Luzon hanggang April 12, 2020.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.