BI sa publiko: Tigilan ang pagpapakalat ng fake news

Umaapela sa publiko ang Bureau of Immigration na tigilan na ang pagpapakalat ng mga fake news na nakadadagdag lamang sa alalahanin ng marami sa gitna pa rin ng banta ng COVID-19.

Nanawagan sa mga netizen si Immigration Commissioner Jaime Morente na tantanan na ang pagpo-post sa social media ng mga maling impormasyon sa gitna ng ipinatutupad na travel ban sa China.

Ginawa ng opisyal ang naturang mga panawagan dahil sa pagkalat sa social media na tuluy-tuloy pa rin ang pagdating sa bansa ng napakaraming mga flights mula sa China kahit na may travel ban.

Sinabi ni Morente na hindi naman kasi ban ang flights mula sa China kundi restricted lamang ang galaw ng mga tao mula mga tinukoy na areas of concern.

Nilinaw nito na ang ilang mga flights patungo at mula sa China, Hong Kong, Macau at South Korea ay tuloy pa rin dahil maaring may mga pasahero itong exempted na makabiyahe pa rin papasok at paalis ng bansa.

Sa ipinatutupad na travel restriction ng BI, hindi papayagang pumasok sa bansa ang mga pasahero mula sa China, Macau, Hong Kong at North Gyeongsang sa South Korea.

Gayunman, exempted sa naturang travel restrictions ang mga Filipino gayundin ang kanilang mga asawa at mga anak, maging ang mga dayuhang may permanent resident visa at mga miyembro ng diplomatic corps.

Ang mga overseas Filipino worker na patungong mainland China maliban sa Hubei province at Wuhan City ay maari pa ring umalis ng bansa basta’t lalagda ang mga ito sa isang dokumento na nagsasaad na naiintindihan nila ang risk o panganib ng kanilang pagbiyahe sa naturang mga bansa.

Ang mga OFWs, permanent resident, kanilang mga dependents at mga student visa holders ay makakalipad pa rin naman patungong Hong Kong, Macau at North Gyeongsang province sa DoKor.

Inanunsyo din ng Immigration na epektibo ngayong araw, pinalawig pa ang travel restrictions sa Iran at Italy.

Ayon sa Immigration, ang mga pasaherong galing sa naturang mga bansa ay kinakailangang magpakita ng medical certificate na inisyu sa nakalipat na 48 oras na nagsasabing wala silang COVID-19.

Exempted din sa travel restrictions ang mga Pinoy at kanilang mga asawa at mga anak gayundin ang mga may permanent resident visas at miyembrong diplomatic corps.

Pero kailangan pa rin ng mga ito na sumailalim sa mandatory 14-day quarantine ng Bureau of Quarantine.

Read more...