Granada natagpuan sa gate ng 32nd IB sa Sulu

By Josephine Codilla-Radyo Inquirer contributor February 06, 2016 - 11:13 AM

sulu-map
Inquirer file

Isang granadang MK2/apple type ang natagpuan sa labas ng sentry house ng headquarters ng 32nd Infantry Battalion sa Barangay Taglibi, Patikul, Sulu alas singko kwarenta y singko Biyernes ng umaga.

Pinaniniwalaang ang granada ang narinig ng sentinel na inihagis alas dos kwarenta’y singko ng madaling araw subalit wala itong anumang nakita matapos inspeksyunin ang paligid upang malaman kung ano ang lumagabog sa atip ng guardhouse.

Makailang ulit na ring nagtangka ang Abu Sayyaf Group na i-harass at pasukin ang kampo ng 32nd IB subalit nasusukol pa rin sila ng mga tropa.

Matatandaang inatake ng mahigit kumulang 150 ASG ang naturang kampo a-kinse ng Disyembre ng nakaraang taon na ikinasugat ng pitong sundalo.

Buong giting na naipagtanggol ng mga tropa ang kanilang kampo.

Magkagayon pa man, ipinag-utos ni Brigadier General Alan Arrojado, Commander ng Joint Task Group Sulu, na lalo pang paigtingin ng mga tropa ang security measures gayon na rin ang counter measures upang hindi na maulit ang pangyayari.

Ang 32nd IB ay isa sa mga Army units sa Sulu na puspusan ang pakikipaglaban sa mga bandidong Abu Sayyaf.

Noong nakaraang Huwebes lamang ay nakadiskubre ang mga ito ng improvised explosive device (IED) sa may Barangay Lagtoh sa Talipao.

Ang paghahagis ng granada ay pinaniniwalaang retaliatory attack sa mga accomplishments ng 32nd IB sa lugar.

TAGS: M2 grenade, Patikul, Phlippine Army, Sulu, M2 grenade, Patikul, Phlippine Army, Sulu

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.