COVID-19 package para sa apektado ng community quarantine, isinusulong ni Rep. Salceda
Isinusulong ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Sarte Salceda ang pagkakaroon ng komprehensibong Coronavirus response package para sa bawat pamilya at mga negosyo, at para mabilis na makabawi ang ekonomiya sa krisis.
Ayon kay Salceda, mas apektado sa ipinapatupad na community quarantine ay ang mga manggagawa, pamilya at maliliit na negosyo kaya tungkulin aniya ng pamahalaan na bayaran ang mga ito.
Sa ilalim ng tatawaging Filipino Families First Act ni Salceda, magkakaroon ng spending plan na nagkakahalaga ng P169.9 billion, kung saan 85.5 billion ang tiyak daw na mababawi kaya nasa P84.4 billion ang net cost nito.
Nakapaloob dito ang pagpapautang ng walang interes sa halagang P50 billion para sa mga kumpanya gaano man kalaki o kaliit, at ang pinakamalaking maaaring utangin ay depende sa bilang ng mga empleyado nila.
Magiging kondisyon sa loan ang pagpapanatili sa mga empleyado sa buong panahon ng krisis.
Ang pangalawang package ng pautang na nagkakahalaga ng P45 billion ay para sa sektor ng turismo.
Ipinaliwanag ni Salceda na kapag meron pa ring natanggal na mga empleyado, dito na papasok ang safety net number 2 o ang P25 billion para sa Unemployment assistance sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.
Para naman sa mga hindi makakapasok sa trabaho, maaari aniya silang pansamantalang ipailalim sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
At kung may lumusot pa rin, meron anyang nutritional assistance para sa senior citizens kung saan may karagadagang P1,000 sa kanilang 4Ps para sa emergency lalo’t sila ang pinaka-delikadong sektor sa banta ng COVID-19 kaya dapat bigyan alalayan sa kanilang kalusugan.
Tinaya ng kongresista sa 1.82 percent ng GDP ang positibong impact ng spending package na ito o higit pa para makabawi sa pagkalugi dahil sa COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.